pers lab...

Late na naman ako. Sa totoo lang naman kahit pang-umaga ako, basta sa kahit anong bagay, late pa rin ako. Katwiran ko, at least consistent ako. Alas syete na ng gabing mapilitan akong sumakay ng byaheng Fairview na kasalukuyan noong tayuan at talagang punong puno pati ang “hallway” ng bus ng mga nakatayong pasahero.

Kasabay kong sumakay sa may Kamuning ang isang babae na sa tingin ko ay nasa kaagahan ng ikalawang dekada nya sa mundo. Pareho kaming napilitang tumayo sa daanan dahil sa tingin ko ay late na rin sya sa kung saan man sya papunta. Matapos lang ang ilang metro simula sa aming sinakyan, tumayo ang isang babae na nakaupo sa aming harapan. Natural lamang na ibigay na sa babaeng nakasabay ko ang espasyo sa upuan dahil babae naman siya at nagkataon na puro lalaki kaming nakasaby niyang nakatayo.

Nagulat ang lahat nang biglang hawakan ng lalaking nakaupo ang dalawang kamay ng babaeng nakatayo upang alalayan ito sa pag-upo. DALAWANG KAMAY. Nang makaupo ang babae. Agad itong nag-blush at nakatingin siya ng may bilugang mata (yung katulad ni puss in boots sa Shrek) sa lalaking tumulong sa kanya upang umupo. Ang lalaki naman ay nakatingin sa malayo. Nagpatuloy ang biyahe. Halos lahat kaming mga nakatayo ay nakatingin lang sa dalawa. Naghihintay ng isang pangyayari. Maya-maya pa’y binuksan ng babae ang kanyang bag. Nakita ko na may isang supot siya ng Munchkins ng Dunkin Donuts at isang malaking Brownies (pag isa lang ba brownies o brownie lang?) Napansin ko rin na may button pin sa bag ng babae na may nakalagay na “I Love You.” Hinihintay kong lumabas ang mga katagang yon sa kanyang bibig. Ngunit hindi. Namili siya sa dalawa, kung brownies ba o munchkins. “Brownies” nakita ko sa buka ng kanyang bibig. Inalok nya yun sa lalaki, “sa’yo na lang.”Hindi ko alam kung talagang hindi siya pinansin nung lalaki o talagang hindi lang siya narinig nito. Nang mapagtanto ng babae na walang sagot na makukuha sa lalaki, binuksan niya ang brownies at buong saya nya itong kumain habang nakatingin sa lalaki. Ang lalaki naman ay patuloy pa rin sa pagtingin niya sa malayo. Akala ko sa mga jologs na pelikula lang ito nangyayari, pati pala sa totoong buhay mayroon nito.

Nang makarating kami sa may tapat ng isang malaking hospital, may sumakay na dalawang babae, isang babae na nasa kahulihan siguro ng kanyang dekada trenta at kasama niya ang isang lola. Dahil nga wala pa ring upuan, tumayo na ang lalaki sa ating storya at pinaupo ang matanda. Napatingin ang babae sa kanya at waring nangungusap ang mga mata nito na huwag siyang iwan. Biglang naiba ang mukha ng babae. Dahil sa patuloy pa rin ang pagsakay ng pasaway na konduktor kahit wala nang paglagyanang mga pasahero, napausod ng napausod ang lalaki papunta sa likod. Panay pa rin ang tingin ng babae sa bandang likod, hinahanap ang lalaking pinag-ukulan niya ng pansin kanina lamang. Nararamdaman ng lahat na gusto niya itong lapitan upang tanungin man lang kahit ang pangalan nito. Ngunit nang dumating na sa sakayan ng jeep na “UP Ikot” kinailangan ko nang bumaba. Sayang at di ko makikita ang ending ng istorya.

Nang ako ay bumaba na, kasunod ko pala ang babae. Tinignan ko lang siya habang pinapanood niya ang papaalis na bus. Malungkot ang kanyang mga mata. Marahil ay nanghihinayang siya sa pagkakataong pinalagpas niya. Sayang…

Dumating ang jeep na “UP Ikot” pareho kaming sumakay. Halos katapat ko lang siya kaya hindi ko mapigilang titigan lang siya. Buong biyahe ay nakabukas lang at nakapatog sa binti niya aklat na bitbit nya simula kanina. Hinihintay kong magbasa siya ngunit talagang nakatulala lang siya buong biyahe. Siguro marahil ay madilim na ang paligid o dahil iniisip niya pa rin ang lahat ng nangyari kanina at ang lalaking tumulong sa kanya na maaring mahal na nya. Nasa college of engineering na ang jeep, kailangan ko nang bumaba. Ang babae, nakatingin pa rin sa malayo…

Ngayon naniniwala na ako sa kalokohang “love at first sight…”

eto ako... basang-basa sa ulan...

Woohoo!!! Eto na naman ang inyong resident reklamador. Nakaisip na naman ngmga bagay-bagay na karekla-reklamo. Whew!! Matagal-tagal din na hindi nakasulat. Daming kailangang tapusin at maraming napagdaanan. Nais ko na ring kunin ang pagkakataong ito upang magpasalamat sa lahat ng tumulong sa aming pamilya sa nakaraang unos. Cheers peeps!!!

Balik pang-gabi na naman ako. Sa isang banda mas ginusto ko na rin ang ganitong pagkakataon upang mas lalong makapag-pahinga. Pakiramdam ko iba ang pagod ng pang-umagang trabaho. Pero hindi yon ang reklamo ko.

Habang papunta ako sa site galing sa head office upang sa aking ikalawang araw na pang-gabi. Sumakay ako sa bus at nagkataong ang bus na ito ay may TV. Kasalukuyan noong pinalalabas ang concert ni Michael Jackson na nasa tantya ko aynasa bandang late 90’s. Hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangang ipakita sa video ang mga naglulupasay na mga babae at mga nawawalan ng malay sa concert. Sa isangdaang porsyento siguro ng palabas, mga walompung prosyento dun ay mga nahimatay at ang nalalabing dalawampung porsyento ay ang mismong performance ni Michael. Sana pinalitan na lang ang titulo ng palabas. “How to kill oneself during a concert.”

Maraming salamat sa napaka-talinong tao ng Manila City Hall sa panibagong pagpapahirap na ginagawa niyo sa buhay ng mga estudyante at manggagawa na umuuwi sa probinsya ng Cavite. Kakatapak pa lang ng bagyong Frank sa Maynila ng maisipan ng mga kumag na ito na palitan nanaman ang ruta ng mga Bus na papuntang Cavite. Nung una ay sa Lawton, nang maupo ang kasalukuyang alkalde, nailipat ito sa Vito Cruz. At kamakalilan nga ay nailipat naman ito sa may Quirino. Hindi ba naisip ng mga matatalinong nilalang na to na mas konbinyente lalo na samga mag-aaral kung ang sakayan pauwi ng probinsya ay nasa Lawton? Ang resulta? Dagdag na pamasahe na nangangahulugang dagdag gastos para sa mga mag-aaral. Hindi pa sila natuwa sa paglipat ng sakayan, inilipat pa nila ito ng walang kaukulang anunsyo o karatula man lang sa dating dinadaanan ng mga bus na ‘to. Maraming mga pasahero ang naghahantay sa Vito Cruz na basang-basa sa ulan na dulot ni Frank (cue: Basang-Basa sa Ulan by Aegis). May dalawang oras din akong naghintay kasama ang mga walang kaalam-alam na mga pasahero sa naturang pangyayari. Marahil hindi kaya ng kanilang mga tamad na katawan ang gumawa ng karatulang nagsasabing nalipat na ang hintayan ng sasakyan patungong Cavite.

Napadaan ako kamakailan lamang sa may C5 papuntang The Fort. Matatapos na pala ang ginagawang flyover dun. Sa tuwing nakikita ko ang drawing ng proyektong yon ay natatawa ako. Hindi ko inakalang mas hahagalpak ako ng tawa nang makita kong malapit na itong matapos. Hindi ko talaga makita ang lohika ng takbo ng flyover na yon. Talaga naman!!! Makahanap lang mapapagka-kitaan at mapapag-kagastusan. Hay naku naman!!!

Sa mga best friend kong politico… PUT@! Napakaga niyo naman mangampanya!!! Ganitong date pa lang nakikita ko na ang mga pagmumukha nyo sa TV!!! Grabe… Kaninong pera ba yan?

havaianas versus spartan

Nagmula sa blog ni alexyee!

salamat bro! kulit nito!

Pangalan:Havaianas

Lugar na pinanggalingan: São Paulo, Brazil

Pagbigkas:
ah-vai-YAH-nas (Brazilian Portuguese)
hah-vee-ah-naz (American English)
OMG!-hAH- va- yaH-naZz!! (Filipino)

Materyal na ginamit:Malupit na goma (High-quality rubber).

Presyo:Hindi ko alam. Ganito na lang,
1 pares ng Havaianas = 16 pares ng Spartan

Mga nagsusuot: Mga konyotik at mga mayaman.

Malulupit na katangian at kakayahan:
- Masarap isuot.
- 'Shock-absorbent '
- Malambot ngunit matibay.
- Makukuha sa sandamakmak na kulay, disenyo at burloloy.
- Maaaring isuot sa loob ng Starbucks.
- Mainam na pang-japorms.
- Mainam i-terno sa I-Pod at Caramel Macchiato.
- Mapipilitan kang maglinis ng mga kuko mo sa paa.
- Maaari ka nang mag-dikwatro sa loob ng mga pampublikong lugar at sasakyan.
- Magiging 'fashionable' ka kapag ikaw ay nagkukuyakoy.

Olats na mga katangian:
Mahal!
Mahal!
Mahal!

- - - - -

Pangalan: Spartan

Lugar na Pinanggalingan: Metro Manila , Philippines

Pagbigkas:
spar-tan (American English)
is-par-tan (Filipino)

Materyal na ginamit:Pipitsuging goma (Low-quality rubber).
Presyo: Wala pang 50 pesos.
Isang pares ng Spartan = 20 piraso ng pan de coco.

Mga nagsusuot: Ako at ang masa! Nyahaha!

Malulupit na katangian at kakayahan:
- Maaring ipampatay sa ipis.
- Maaring ipampalo sa mga batang suwail at damuho.
- Pwedeng ipanglusong sa baha at putikan.
- Pwedeng ipamalengke.
- Mainam gamitin sa tumbang-preso.
- Mainam gawing 'shield' kapag naglalaro ng espa-espadahan.
- Mainam isuot sa siko bilang proteksyon habang naglalaro ng piko.
- Mainam na pambato sa picha o shuttlecock na sumabit sa puno.
- Mainam na pangkulob sa pumuputok na watusi.
- Kapag ginupit-gupit nang pahugis 'cube,' e maaari mo nang
gawing pamato sa larong Bingo na kadalasang makikita sa mga lamay ng patay).

Olats na mga katangian:
* Madaling magkawalaan kapag hinubad dahil halos pare-pareho lang ang hisura.
* Masakit isuot kapag may mga balahibo ang mga daliri mo sa paa.
* Minsan kapag ipinambato mo ito sa picha o shuttlecock na nakasabit sa puno, e nadadamay pati yung tsinelas.