Nagdaan ang January 17, 2007 na parang isang pangkaraniwang araw lang. Gumising ako ng mga bandang 3:00 PM at parang may concrete drilling na nagaganap sa ulo ko dahil sa “Veisalgia. (a medical term for what laymen knew as “hangover” due to excessive alcohol drinking, came from the Norwegian word for "uneasiness following debauchery" (kveis) and the Greek word for "pain" (algia) ) ” Martes pa lang nagkayayaan na sa opisinang mag-inom. “Salubong” ika nga nila.




Pag-gising ko, may kulang-kulang limang message ang cellphone ko. Gaya ng inaasahan, pagbati ang nilalaman nito. Sa totoo lang hindi na interesanteng idetalye pa kung ano ang mga sumunod na nangyari pagkagising ko dahil wala akong ibang ginawa kung hindi manood ng Grey’s Anatomy at kumain ng fried chicken na niluto ni inay. Para daw sa kaarawan ko, kasama ng sa tingin ko ay kalahating kilo ng pansit. Inay! Salamat ng marami. Mahal na Mahal ko kayo!





Sa kabuuan may isang dosena rin siguro ang bumati sa akin ng araw na yon. Mga lima siguro dun ang tinext lang ng ibang nakaalala para maalala rin nila kung anong okasyon meron sa araw na yon. Pero dapat hindi sila counted dahil hindi sila “naka-alala,” may "nagpaalala" lang sa kanila at yon ay isang form ng “cheating.” Sa totoo lang nalungkot ako sa “DAMI” ng nakaalala ng kung anu mang meron sa araw na yon. Ikinatuwa ko na lang dahil kahit papano ay nagawa ng nanay ko na ipagluto ako para sa araw na yon (dahil tinext ko siya nung bisperas upang sabihin na hindi ako papasok kinabukasan. Nagtanong lang sya kung bakit at sinabi kong ‘birthday leave” kaya niya siguro naalala na birthday ko kinabukasan), nung isang taon kasi halos tatlong araw na ang nakalipas bago pa naalala ng nanay ko na nagdaan na pala ang Birthday ko. Marahil sa dami ng kailangang isipin.





Upang hindi ko maisipang maglaslas na lang ng pulso, naki-birthday na lang ako sa ibang bahay kinagabihan. Kasama na rin ang ilang mga kaibigan mula sa kolehiyo.





Kinabukasan at dalawang araw matapos ang araw na yon, may bumabati pa rin. Dalawa sila. Huli man daw at magaling, Wala akong paki-alam. Late pa rin! Kaya nga Birthday e. birthDAY! Hindi birthdayS! Hindi rin birthWEEK! Isang araw lang ako iniluwal ng nanay ko, hindi dalawang araw, hindi isang linggo! Pero wala na rin naman akong magagawa dun. Kaya minabuti ko na lang na huwag manlibre (pwera sa opisina dahil mga boss ko na ang nag-udyok, mahirap mawalan ng hanapbuhay, salamat sa mga taga H.R. na nagpaskil ng Birthday Celebrants sa Bulletin Board ng opisina na kitang-kita ng lahat ng empleyado) sa kahit sinong nilalang, nakaalala man o hindi. Paano ka naman gaganahang manlibre non kung yung mga papainumin mo at gagastusan mo e hindi ka man lang naalalang batiin sa Birthday mo? Tsk tsk tsk… Buhay nga naman!




Kung sa nabasa mong ‘to ay na-guilty ka, in any way. Uhhmm, makipagareglo ka sa konsensya mo. Ok lang bumati pero mahiya ka na rin dahil sa kasalukuyang isinusulat ko ‘to, tatlong araw na ang lumipas sa dapat sana’y araw na binati (“greet”-maigi na yung may translation, bastos ka kasi!) mo ko! Hayaan mo, sa araw na mamamatay ka, ako ang unang unang babati(“greet”) sayo!