I’m no expert pagdating sa music. Pero masasabi ko siguro na isa akong addict sa musika. Mas ok naman na siguro yon kaysa kung ano-ano pa ang ka-addict-an ko. Si Ermats mahilig ke Patti Page, Connie Francis, and the likes. Si Erpats naman automatic kapag Sunday, kanya ang radio (alam niyo na naman siguro kung ano ang tugtugan meron sa radio kapag Linggo). Kaya hindi na rin nakakagulat na kaming mag-kakapatid ay mahilig din sa musika. Siguro sa aming lahat masasabing ako ang pinaka-lulong sa musika. Maraming nagsasabi na “old soul” nga daw ako kasi mas marami pa akong alam na musika sa mga panahon na wala pa kong malay. Pero sa pagkakataong ito, (salamat sa ulan at sa Red Horse) napag-isipan kong makinig sa tunog ng aking sariling panahon sa pamamagitan ng aking Tunog Kalye playlist.

Tunog Kalye. Nauso ang term na yan para i-describe ang tugtugan ng mga banda nung 90’s and/or anything near those era. All time high ang OPM nung mga panahon na yon. Daming banda. Walang takot ang record labels sumugal sa mga bandang/artists na karapat-dapat. Kokonti ang radio stations na “jologs”. Hindi rin “jologs” ang magpatugtog ng OPM non kasi nga hindi rin naman “jologs” ang mga kanta. Hayaan niyong i-guide ko kayo sa era ng Cassette Tape, Walkman, Boombox, Nano Nano (sweet, sour and salty), Pido Dida, POG, at nang iba pang 90’s sa pamamagitan ng pagbahagi ko sa inyo ang mga banda ng aking Tunog Kalye playlist.

        *in no particular order... 'wag niyo ko awayin kung hindi kayo agree sa sequence. gumawa kayo ng sarili niyong list kung gusto niyo.*

P.O.T. – “Sige na people, let's get on down Sige na, sige na, sige na, hah…” sinong hindi mapapa-indak sa mala “Play That Funky Music” na tune na yan. Mapapa-yugyog ka talaga sa kantang "Yugyugan Na" ng P.O.T.!

Kulay – yung malupit nilang album na “Vibestation” ay ang isa sa mga cassette tape na meron ako. Kakaiba ang mga kanta nila. Foreign na foreign ang dating. “Delicious” ang kalimitang tugtog ng mga rich kids noon na may mga “bayo-bayong” sound systems, pero astig din ang rendition nila ng “Shout.”

Da Pulis – pagsamahin mo ang swabeng boses (at matabang utak) nina Jay Ignacio at Gabe Mercado (yes the comedian…ok si “Mr. Ok Ka Ba Tyan”) you’ll have funny songs such as “Pogi” at “Mukhang Paa”.

I-axe - Sa kanila nanggaling ang isa sa mga kapita-pitaganang “harana” song sa OPM, ang “Ako’y Sa’yo, Ika’y Akin. Pinangungunahan ni Jek Manuel. After non parang di na nasundan.

Prettier Than Pink – ito yung isa sa mga banda na may lead vocalist na maganda ang boses. Sa totoo lang swak na swak ang boses ng bokalista nilang si Lei Bautista sa hit nilang kanta na “Cool Ka Lang.” Sayang lang sa all-girl band na to, gaya ng I-axe, parang hindi na rin nasundan ang hit nila na yon.

Nexxus – ang sa tingin ko, pinaka-“cheesy” ay “boy bandish” type ng banda nong 90’s. Subukan mo pakinggan yung kanta nilang “I Keep On Saying” para kang nakikinig sa kanta ng Boyzone. Pero mas umangat ang hit nila na “I’ll Never Go” which later on, naging theme song nila Popoy at Basha.

Weed – kanila ang kanta na puno ng angas – “Long Hair”. “Anong paki mo, sa long hair ko.” Yan ang kalimitang theme song ng mga rebeldeng kalalakihang estudyante sa tuwing binabawalan sila na magpahaba ng buhok sa High School.

Orient Pearl – “wag mong isubo… _____ ko yaaaan!” Ganyan ka-sikat noon ang kanta nilang “Pagsubok” at nabahiran na ng kababuyan ang lyrics nito ng mga pilyong kabataan noon. Highly emotional ang mga kanta nila gaya rin ng isa pa nilang sub-hit na “Kasalanan.” Emotional na mas maganda kung bibiritin mo sa Videoke yang mga kanta na yan nang nakainom ka na.

Rizal Underground – sinong makakalimot kay Ina Raymundo sa commercial ng SMB sa saliw ng tugtuging “Sabado Nights” ng bandang ito? Pero kasama rin sa aking playlist ang hit nilang “Bilanggo.”


Put3ska – para sa akin ang may pinaka-astig na pangalan ng banda ay ang Put3ska. Kasama na ang genre sa pangalan ng banda. Salamat na rin sa Eat Bulaga at kay “Graciaaaaa” at pumatok ng todo ang kanta nilang “Manila Girl”

Tropical Depression – ang unang exposure ko sa reggae ay nanggaling sa bandang yan! Buti na lang inosente ako sa mga “herbal” nung mga panahon na yon. Swak sana lalo na kung tumutugtog ang “Bilog Na Naman Ang Buwan” o kaya ang “Kapayapaan”
  
Sugar Hiccup – wala namang masyadong lyrics ang kanta nilang “Five Years” pero iba ang dating kapag naririnig mo ito. Para kang hine-hele ng kanilang lead na si Melody *something*. Pero astig ang rendition nila ng kantang “Tao.”

Razorback – well nag-front act lang naman sila sa Metallica at Rage Against The Machine noon, sinong magsasabing hindi astig ang Razorback? “Payaso” at “Pepe The Hepe” ang ilan sa mga sumikat nilang kanta. Pero wala pa ring tatalo sa “Giyang”

Hungry Young Poets (aka. Barbies Cradle) -  sa totoo lang mas astig ang nauna nilang pangalan pero ano nga ba ang pakialam nila sa opinion ko. Sinong hindi nakakaalam ng theme song ng “Dawson’s Creek” ng Pinas, ang “Tabing Ilog”,  na kung saan sila ang kumanta (technically si Barbie Almalbis lang). Pero ilan sa ibang kanta nila ang “Firewoman” at ang astig na version nila ng “Limang Dipang Tao” pero ang paborito kong kanta nila ay ang “Money For Food” na kung saan ang tamis ng pagkaka-kanta ni Barbie. Haaaayyy…

Wolfgang – isa na siguro si Basti Artadi sa mga pinaka-astig na bokalista sa history ng Pinoy Bands. “Arise” and “Halik ni Hudas” ang ilan sa mga pinasikat ng bandang ito. And yes active pa rin sila. Gumi-gig? Oo naman… abroad pa!

After Image – ang banda ng anak ng newscaster na si Mel Tiangco (matagal, bago ko napaniwalaan ito kasi magkaiba sila ng surname), si Wency Cornejo. Ang kanta nila na “Mangarap Ka” ang naging pelikula noon ng mga sikat na tiny-bopper groups noon ng channel 2 na sina Mark Anthony Fernandez, Claudine Baretto, Kier Legaspi Roselle Nava, Nikka Valencia at iba pa. Pero ang ilan pa sa mga hits ng grupong ito ay ang ma-dramang “Next In Line” at “Tag-ulan”

Color It Red – ‘Pag naririnig ko ang kantang “Na Na Naman” automatic balik 90’s na agad ang mood ko. Yeah, alam ko ang alam nyo lang na kanta nila ay “Paglisan.” Pero isa ang Color It Red sa mga una kong napanood nang live. In other words, isa sila sa mga unang nag-devirginize sa akin pag dating sa live music scene.

Grin Department – “ay shampoo ‘day, may libre kang toooothpaste, at libre kan toooooth…. May libre kayong toooooth… toothbrush.” Naalala kong galit na galit si ermats pag pinapa-tugtog ni kuya yang “Special Offer” ng malakas sa “isteryo-komponent.” Ano nga ba kasi ang ie-expect mo sa bandang may pangalang “grin department” malamang puro kaberdehan. Pero kuwela naman! Gaya iba pa nilang hits na “Iskin” at “Miss U”.

The Teeth – “Nakaupo s'ya sa isang madilim na sulok, Ewan ko ba kung bakit, Sa libu-libong babaeng nandoon, Wala pang isang minuto, Nahulog na ang loob ko sayo” Ang lalim ng mga salita upang i-describe ang idea ng “love at first sight” pumatok ang kantang “Prinsesa” noong 1995. Pero ang kantang patungkol sa pagka-lulong sa alak na “Laklak” ang nagpasikat sa kanila ng todo.

Siakol – “Lakas Tama” ang pinaka-sikat nilang kanta. Hard Rock man ang dating pero hoplessly romantic naman ang lyrics. Medyo naging mellow na ang tema nang ni-release nila ang kantang “Bakit Ba” at “Peksman.”

Neocolors – isa na rin ata sa pinaka-madramang banda itong Neocolors. Ang mga hits nilang gaya ng “Tuloy Pa Rin,” “Kasalanan Ko Ba,” “Say You’ll Never Go, ” “Hold On,” “Pain In My Heart,” at “Maybe.” Song titles pa lang baka maiyak ka na, lalo ‘pag ninamnam mo ang lyrics!

The Youth – “Multong Bakla” na ata ang pinaka-sikat (at highly social conscious) nilang kanta. Some controversies came up nung unang pinatugtog ito sa airwaves pero alam naman natin na kontrobersya ang gusto ng mas nakararami.

Alamid – Kada napapa-tugtog ang kantang “China Eyes” hindi ko mapigilang maalala ang palabas na “Palibhasa Lalake.” Yan ang kantang ginagamit nila sa kanilang intro skit every Thursday(?) night. Pero ang kanilang hit talaga na tumatak sa mga tao ay ang “Your Love.” Pero may rendition din sila ng theme song ng “Batibot” at ng “Hesus”

The Dawn – ang malupit na theater actor na si Jett Pangan ay isang hard core na bokalista noon ng bandang ito. Ang kanta nilang “Iisang Bangka Tayo” ay tungkol sa pagkakaibigan, na ginamitan ng malalalim na salita. Pero ang pinaka-kilala atang hit nila ay ang “Salamat” na patuloy na ginagahasa ng mga lasing sa videoke.

Introvoys – ang tawag sa mga kumakanta na puro intro lang at hindi na tinatapos ang kanta… at ang tawag din sa banda na nagpasikat ng mga kantang “’Di Na Ko Aasa Pa” at “Kailanman.” Pero ang pinakasikat na ata (dahil ito ang unang pinag-aaralan ng mga taong gustong matuto ng gitara dahil sa D-A-G-A pattern nito) ay ang “Line To Heaven” 

Yano – Lead by Dong Abay, “Banal Na Aso, Santong Kabayo” ay ang pinaka-sikat (at ang pinaka-controversial) na atang kanta ng grupong ito. Maraming nag-taas ng kilay noon nung nailabas ang kantang ito. Siguro maraming tinamaan. Pero sa mga  kanta nila gaya ng “Senti” at “Tsinelas,” “Esem” ang pinaka-trip ko (at pinaka-nakakarelate).

South Border – walang kasing lupit na utak ni Jay Durias, matinis na boses (oily na mukha at blondie na buhok) ni Brix Ferraris, ayun na! Malupit nilang hit ang “Kahit Kailan” pero isa sa tatak ng bandang ito ang mala-sexy RNB style nilang mga awitin gaya ng “The Show” at “Love of My Life.” Pero sino ang makakalimot kay Rosanna Roces sa La Vida Rosa na kung saan ginamit ang makamundo nilang awitin na “Habang Atin Ang Gabi.” 

Freestyle – nang una kong narinig ang kantang “Before I Let You Go” akala ko foreign act ang kumanta. And yes, they made it big sa music industry mula sa kanilang pagba-banda sa Cebu. Kumpleto ko ang albums (original cassette tapes) nila. Syempre nandyan din ang ibang hits nila na “’Til I Found You,” “This Time,” at ang theme song ng mga pakipot, “So Slow.” At syempre ang isa sa pinagpipitaganang videoke (duet) piece ng mga Pinoy, ang rendition nila ng “Bakit Ngayon Ka Lang.”

Side A Band – ang ultimate “love song” band. Karamihan ng mga hits nila na ballad ay ang mga kantang kinahuhumalingan ng mga ka-edaran ng ate ko noon. Ang mga hits nila na gaya ng “Set You Free,” “Tell Me,” “Let The Pain Remain,” “Will I Ever,” “So Many Questions,” “Ang Aking Awitin,” “Tuloy Pa Rin,” at ang pang-kasal song na “Forevermore.” Halos lahat ng concerts and gigs nyan jampacked palagi. Lalo na kapag “Second Month Putukan (aka. Valentines Day).

        *ang dami pala… sumasakit na ang mata ko… at ulo… di bale konti na lang!*

True Faith – Simpleng cool lang ang hits ng True Faith gaya ng “Perfect,” “Muntik Nang Maabot Ang Langit,” “Alaala,” at “Baliw.”  Pero ang torpe song nilang “Huwag Na Lang Kaya” at ang harana song nilang “Kung Ok Lang Sa’yo” ang pinaka-sumikat. Tanong niyo pa sa mga kababaihan noon na kinantahan ng mga kantang yan noon ng mga nanliligaw sa kanila.

Francism – yes! May band si Francis M. noon. Idinikit lang ang first letter ng surname nya sa first name, there! Instant pangalan ng banda. “Whole Lotta Lovin’” ang una ata nilang hit. Pero ang pinaka-pumatok eh yung “Kaleidoscope World” hindi lang ako sigurado kung ang “Cold Summer Nights” ay nailabas nung banda na sila o nung solo pa si Francis.

Parokya Ni Edgar – “Hoy, hoy, Buloy, Naalala mo pa ba nung tayo’y nagsasama!” Sinong mag-aakalang may sad ending pala ang kantang yan. Sa mga top bands nuong 90’s isa ang grupong ito sa mga pinaka-matatag. Pero ang ilan sa mga una nilang hits ay ang mga kantang “Harana,” “Silvertoes,” “Halaga,” “Inuman Na,” “Para Sa’yo,” “Gitara,” at “Maniwala Ka Sana.”

Rivermaya – naaastigan ang mga kabataan ngayon kay Bamboo. Ang hindi lang nila alam, wala nang mas aastig sa Bamboo noon ng Rivermaya! Kahit sila ermats and erpats nasakyan noon ang kanta nilang “Hinahanap-hanap Kita.” At pakiramdam ko noon represent na represent nila kaming mga kabataan noon sa kanta nilang “Awit ng Kabataan.” Hanggang sa kanilang makabagbag damdaming “214” na may maraming ispekulasyon kung ano talaga ang meaning ng “214.” Ang pang-heartbroken na may element ng surprise nilang kanta na “Kisapmata,” at ang desperado song-calling out the heavens nilang kanta na “Himala.” Ang iba pa nilang kanta ay ang “Elesi,” “Ulan,” “If, “Bring Me Down,” at ang hopelessly romantic nilang kanta na “Panahon Na Naman (Ng Pag-Ibig).”

Eraserheads – “Da ultimate 90’s band” ika nga ng iba. Wala na sigurong ibang banda ang kayang maging mukha ng 90’s kungdi ang Eraserheads. Formed by Ely Buendia, Raymund Marasigan, Marcus Adoro at Buddy Zabala na pawang mga taga-UP Diliman (Kaya gusto ko rin mag-UP Diliman non! Kahit High School pa lang ako). Pero ang masasabi ko, karamihan naming mga batang 90’s ay nakakarelate sa mga kwento/simpleng kanta ng E-heads. Ordinaryong salita, ordinaryong sitwasyon, direkta, sapul, at walang ligoy! Maraming kontrobersya ang nasa likod ng mga kanta ng E-heads (kaya mas patok). Ayon sa kwento-kwento, ang babae daw sa kantang “Magasin” ay si Pia Guanio na crush na crush ni Ely noon (sino bang walang gusto kay Pia Guanio noon?) “sana sa susunod na issue, ay centerfold ka na.”  Ang kantang “Spoliarium” naman daw ay tungkol sa kalokohang ginawa ng dalawa sa miyembro ng isang trio na sikat na sikat sa isang “softdrink beauty” (“anong sinabi ni Enteng at Joey dyan”). Kung nage-expect kayo ng matinding write-up tungkol sa history at background ng banda, pumunta kayo ng wikipedia. Ilan lang sa mga sumikat na kanta ng Eraserheads ay “Kailan,” “Ligaya,” “Toyang,” “Alapaap,” “Ang Huling El Bimbo,” at madami pa. And since naka-internet ka naman (hula ko, dahil binabasa mo ‘to via internet e), ikaw na mag-hanap ng iba pa nilang hits. Ang dami e.