Ngayon taong 2005, bente-uno na ako. Shiyet. Ang edad na lampas twenty ay wala nang kakabit na teen sa dulo. Ibig sabihin, konti na lang ang mga nalalabing araw ko bago tuluyang magpaalam sa mundo ng pagiging teenager. Matanda na ako pero hanggang ngayon e aktibong miyembro pa rin ako ng batikang Alyansang Alpha No Mama. Nakngtokwa.
Bakit ko ba naiisip 'to ngayon? Hay, paano kasi, lahat ng miyembro ng alyansa e ngayo'y attached na. Ewan ko ba kung anong sa may demonyo ang taong ito at sunud-sunod na nagsulputan ang mga mag-syota. Pakiramdam ko tuloy e ako na lang ang single.

Nung nakaraang taon lang, lahat ng kakilala ko e nagkakaisa sa aming alyansa: asiwa sa mga love songs, namimintas ng mga pangit na syota, nandidiri sa mga nagho-holding hands, pinagtatawanan ang mga nagkakandungan, galit sa mga harapang nagp-PDA, asar sa mga laging nagde-date, nagwewelga laban sa mga love quotes sa text, at higit sa lahat e panatag ang loob na ang iba, tulad namin, ay talagang "meant to be alone". Masaya kaming lahat dahil alam naming mas maganda ang manatiling single. Ohbutgoodnessgraciousgreatballsoffire! Nagulat na lang ako nang minsan ay ang dating kantang-kanta sa Love Song for No One e ngayo'y adik na sa Your Body is a Wonderland! Kala ko naman isa lang siyang tumiwalag sa alyansa. But no! Yung todo lait sa may mga pangit na boyfriend e sinusundo na bigla ng lalakeng gumwapo lang ng konti kay Bentong. At aba, ang isa kong kaibigan naman e mapapasma na ang kamay sa kaka-HHWW o holding hands while walking. Kagulat-gulat din nung namataan ko yung dalawa kong orgmates na nagkakandungan sa May south Building.Heto pa, pagdating ko sa tambayan kamakailan lang e may bumulaga namang bagong loveteam na parehong freshie lang at sila'y kuntodo PDA! Kung 'di ba naman minalas e yung lagi kong kasabay umuwi e inanod na sa Manila Bay para makipag-date sa Luneta. Nang nabasa ko naman ang cellphone nung isa e may "Love is like a rosary, it has many mysteries" pa siyang naka-save! Yung pasimuno ng churee (theory) na "some are meant to be alone" e nakahanap na raw ngayon ng "da wan". Ultimo yung kakilala kong bakla, dinaig ako dahil may dalawa, hindi isa kundi dalawang papa na siya! Walang patawad talaga, pagka-uwi ko ng bahay e nagpaalam yung katulong ng barkada ko at magpapakasal na raw sila ng kanyang "syutang si Rechard". Chakafez kayong lahat!!! Mga traydor! Iwan daw ba ko??? Hmph, kebs ko sa inyo! Mga hayup. E ano naman ang mapapala ninyo sa pagiging in love? Wala! Ang mga mag-syota, maliit na mga bagay lang, war na. Na-late lang sandali, away na. Nanood lang ng sine kasama ang ibang kaibigan, away na. Hindi lang masundo, away na. Nakalimutan lang mag-miss call, away na. Nagsuot lang ng spaghetti straps, away na. Hindi lang makalabas dahil may exam, away na. E ano pa kaya kung ang isyu e mga ex, mga dating manliligaw, mga crush, at kung anu-ano pa?! War! Ang mahal pa ng presyo ng pagiging attached. Lunch sa school, gastos. Date, gastos. Gasolina, gastos. Birthday niya, gastos. Birthday ng nanay niya, gastos. Birthday ng tatay niya, gastos. Birthday ng kapatid niya, gastos. Anniversary, gastos. Monthsary, gastos. Weeksary, gastos. Christmas, gastos. New Year, gastos. Pagdating ng Valentine's Day, daig mo pa ang naholdap. Gastos! Pag-taken ka na, wala ka nang panahon. Sa org mo, walaka nang oras. Sa pamilya mo, wala ka nang oras. Sa pag-aaral mo, wala ka nang oras. Sa pakikipagsalamuha sa iba mong mga kaibigan, wala ka nang oras. Sa pagdalo sa iba't-ibang okasyon, wala ka nang oras.Parang ang bilis lagi ng araw dahil laging kailangang pagtuunan mo ng panahon ang boyfriend o girlfriend mo at wala ka nang magawang iba. Pang-ubos oras! O kita ninyo, ang pagiging attached e maraming masaklap na kalalabasan! Lagi ka nang mapapa-away, laging walang pera, at lagi ka pang uhaw sa oras para sa ibang bagay lalo na para sa sarili mo! Walang magandang maidudulot ang pagiging in love.

Hokeipayn... siguro meron pero konti lang. Kapag pagod ka galing sa school, may magtatanggal ng stress mo. Kapag nalulungkot ka, may magpapasaya sa'yo. Kapag napupuno ka na sa dami ng pressure sa buhay mo, may magsasabing okay lang yan. Kapag galit ka na sa mundo, may magpapakalma sa'yo. Kapag naubusan ka na ng pre-paid internet card, may ka-chat ka sa telepono. Kapag hindi ka masundo ng tatay mo, may uuwian kang bahay. Kapag may bagong palabas sa sine, makakanood ka agad at hindi ka mabubulok na Spiderman pa rin ang huli mong napanood. Kapag nagkaroon uli ng show si Rex Navarete, may ka-date ka na at hindi ka isang hamak na third wheel. Kapag pinalabas uli ang In the Mood for Love, in the mood ka talaga. Kapag dumating ang Stephen Speaks sa Pinas, alam mong ang Passenger Seat ay kanta ng girlfriend mo sa'yo at hindi ng kung sinong manyak na driver sa nasakyan mo kaninang umaga. Kapag inabot ka ng gabi sa Intramuros, girlfriend mo ang kasama mong tumingin sa mga tala at hindi ang iyong mga barkadang manyak na naghahanap ng mga nagmimilagro sa Beer Garden. Kapag may family reunion, hindi ka na aasarin na mukhang mauunahan ka na ng kapatid mong asa gradeschool pa lang. Kapag nagkita-kita kayo ng mga gago mong high school classmates e totoong karelasyon ang kukwento mo at hindi ang encounters with the pokpok. Hindi mo na pro-problemahin ang katorpehan dahil taken ka naman. Kapag may kumakalat na chismis na patay-na-patay ka raw sa bading e hindi ka na mababahala tutal kayo na at siya ang patay-na-patay sa'yo. At higit sa lahat, hindi ka bitter ocampo. Hasus! Sinong bitter? Sino? Sino, sino, sino ang bitter?!?! Ewan ko sa inyo, basta hindi ako yun. Hindi ako bitter, hindi, hindi, hindi!!! Ang kulit ha! Sabi nang hindi! Nasabi ko na bang hindi ako bitter?