“I am a Pichay Fan.” Ito ang nakalagay sa pamaypay na nakuha ng mga kasama ko sa opisina nung fire drill na ginanap dito sa aming opisina. Wala namang koneksyon ang fire drill sa kampanya ni Pichay pero nagkataon na nagformation na kami kung san kami dapat pumwesto kapag may sunog, ay may dumaan na namimigay ng naturang pamaypay. Kung kinasabwat man nila ang building admin dito sa Benpres hindi ko na alam. Pero sa tingin ko naman hinde (uy! Binawi! Hehehe). Ang pamaypay ay picture at hugis ng isang pechay at may mukha ni Pichay sa gitna nito. May nakalagay na “I am a Pichay Fan.” sa bandang itaas. Nung una kong makita to tawa lang ang ginawa ko at wala na kong ibang nasabi.

“SIPING, ang kinabukasan” yan ang campaign slogan ni Ping Lacson. Sa palagay ko malaki ang pag-asa ni Ping Lacson na manalo sa eleksyon na ‘to. Kung maipapangako nya sa bawat na Pilipino na may “SIPING, KINABUKASAN” tiyak landslide victory ‘to. Isipin mo nga naman, may kasiping ka ngayon, kinabukasan may kasiping ka ulit, tapos kinabukasan ulit. Malupet diba? Malamang mahigitan natin ang China sa population at maaari na nating gawin ang World Domination (Salamat sa iyo Jessica Zafra).

“Dear Voters, … Lovingly Yours, Mayor XXX” Kung kayo man ay taga-Cavite at nagagawi kayo sa lugar ng Kawit, mapupuna niyo ang napakalaking mukha ng isang kandidato sa pagka-mayor sa mga lansangan. Hindi ko alam kung avid fan ng Shrek ang kandidato na yon sa pagka-mayor pero sa tuwing nakikita ko ang paamo (tignan ang salitang ginamit… “paamo” at hindi “maamo”) niyang mukha, hindi ko mapigilang humagalpak sa kakatawa. Kung napanood niyo ang Shrek (yung pangalawa) kung san may nagmamakaawang mukha si Puss in Boots (Antonio Banderas). Ganon na ganon ang itsura ng mukha nya na parang nagsasabi sa mga botante na “Utang na loob, iboto nyo ko.” Haay, mga politiko nga naman.