Inabot ako ng tanghalian sa daan habang papasok ako ng trabaho kaya’t naisipan kong kumain muna bago tuluyang sumabak sa initan. Nasa MRT Ayala Station na ko at ang maayos-ayos na kainan don ay ang Kentucky Fried Chicken. Tinanong ako ng cashier nang may nakaka-inis na boses (boses k*ki ika nga nila ) kung ano ang order ko. Sinagot ko siya ng tanong na “Anung available chicken parts niyo?” Sa totoo lang nakaugalian ko na ang tanong na yan sa tuwing umo-order ako ng manok sa kahit anong fastfood. Agad nya kong sinagot ng isa pang tanong na “Sir, Original or Hot and Spicy?” Sinagot ko, ”Original.” Sinabi niyang thigh and wings lang daw ang available. Nung mga sandaling yon, pakiramdam ko kailangan kong lumamon kaya nag two piece chicken meal ako. Maya-maya’y hinainan ako ng isang thigh at isang wing. Tinanong ko ang cashier kung pwedeng pakipalitan ang wing part na ibinigay niya sakin at sinagot niya ako ng “Sorry sir, one big and one small part lang po sa chicken.” Nang mga panahon na yon gusto kong maging isang taong nuclear at sumabog na lang bigla upang masunog ang buong branch ng KFC na yon at malusaw ang cashier na nasa harapan ko. Bago at weird para sa akin ang patakaran ng branch na yon ng KFC. Hindi ba “The Customer is Always Right?” Yan ang turo sa atin ng ating E.P.P. (pronounced as e-pa-pa) teacher nung elementary, kung hindi ako nagkakamali? (Edukasyong Pangtahanan at Panglipunan para sa mga hindi nakakaalam at para sa mga hindi nakaabot sa subject na ito nung elementary).

Sinaniban ako ng aking masamang katauhan (halata bang nanunuod ako ng Heroes?) at inisip na maghiganti sa maliit na paraan. Pambubwisit lang kumbaga. Kapag kumukuha ako ng extra gravy, nakaugalian ko na na buksan ang takip upang makapag-flow ang gravy. Nang mga sandaling yon, nagulat na lang ako ng natapon ng todo ang gravy. Natapon sa buong counter. Nakita ako ng ibang mga nakapila at ng ibang mga cashier. Pinilit kong makita ako ng cahier na pinagbilhan ko at sa kanya ako nagpa-assist. Mukhang nakiayon naman sakin ang ibang mga tao sa counter at talagang hindi na siya tinulungan at halatang umiwas sa tawag ko. Nang mga sandaling yon ay may hawak siyang drink ng isang customer at nung ilalapag na nya yon sa tray ng customer bigla iyong natapon. Napatigin sya sakin at ngumiti na lang ako at sabay turo sa naitapon kong gravy sa counter at saka umalis. Gumagana na rin pala ang kapangyarihan kong makapagpagalaw ng mga bagay. Nang mapagtanto kong nakaganti na ako, at matapos ang paglamon sa dalawang manok, umalis na ko at nag-teleport. Hinding-hindi na ko babalik sa lugar na ‘yon.