Namatayan ng tatay at nanay, nanalong presidente.
Namatayan ng artistang tatay, tatakbong presidente.
Namatayan ng asawa, tatakbong bise presidente,
Ganon na ba ang qualification sa pagiging public official?
Isip isip mga kababayan.
-Noel Miranda
Bago bumangon sa kama tuwing umaga, gaya ng isang teenager, ang una kong hawak ay ang aking smartphone. Pag bukas ko ng Facebook, yan ang unang post na tumambad sa akin. Sa hindi ko malamang kadahilanan, ang unang minuto ng aking araw ay ang aking pinaka-mataas na kamalayan sa buong maghapon. Matapos maka-ligo, inaasahan ko na ang pagbulusok nito pababa. Pero ang post na yan ng kaibigan kong si Noel ay nasa isip ko pa rin habang tinatahak ko ang daan papuntang trabaho. Ganyan na lamang ba ang hinihingi ng mga Pilipino? Ganyan na lamang ba kadali ang hinahanap natin sa isang tatakbong opisyal ng gobyerno? Ganon na lang ba tayo ka-babaw? Kung ganoon at ganoon rin lang naman pala, namatayan din ako ng tatay, ibig bang sabihin nito ay may boboto sakin sa pagka-presidente ng Pilipinas?

Bobotante. Yan ang salitang nauso upang bigyang pangalan ang mga tipo ng taong bumoboto nang may angking kamangmangan. Para sa mahihirap? Para sa mal-edukado? Para sa mga hindi marunong bumasa at sumulat? MALI! May mga bobotante ding mga propesyonal, may pinag-aralan, mataas ang estado sa buhay. Tumingin ka sa social media, napakarami nyan. Masusurpresa ka pa sa iba.

Paano nga ba bumoto ang mga Pinoy? Sa tanggapin nyo man o hindi, ito ang realidad:

Endorso ng Sikat na Tao/Artista - Iba ang estado ng pagiging artista sa Pilipinas. Kaya nilang magdikta ng kung anong gagawin ng kanilang mga taga-subaybay. Sa kasamaang palad, nadadala yan sa pagpili ng kandidato na iboboto. Minsan wala nang sali-saliksik sa kandidatong ini-indorso. Basta inendorso ng idolo, awtomatikong yun na ang isusulat sa balota. Pero nakakalimutan ng botante na ang endorsong nakuha ng pulitiko ay binayaran, at milyon-milyon ang halaga. Congratulations! Pinayaman mo na naman ang idolo mo!

Gimik - Hindi ko makuha ang ideolohiya nang pag-lalagay ng artista/mangaawit/mananayaw sa isang miting de abanse. Siguro kung magsasalita rin ang mga ito sa pabor ng kandidato, yung magbibigay sila ng makatotohanang pag-eendorso, baka sakali pa. Pero yung pagpapasayaw ng mga sexy dance groups. aawit ng mga novelty songs (maaring dahil sa appeal nito sa masa), yung lalabas na tipong variety show ang isang miting de abanse, bakit? Kung tutuusin nga, kung matalino at karapat-dapat ang kandidato, hindi na kailangan ng mga ganitong pakulo. Pero masisisi ba naman natin ang mga pulitikong ito sa pag-gawa ng mga ganito upang dumugin lang ang mga miting de abanse nila? Eh ang hangad ng karamihan ng dadalo ay makita ang dadating na artista (tignan ang naunang paksa). Sana dumating yung araw na kaya dumadalo ang isang botante sa mga ganitong pagtitipon, ay para mapakinggan mabuti ang mga platapormang isinusulong ng kandidato. Umusisa sa totoong hangarin ng gustong maluklok sa puwesto. Analisahin sana ng mga tao kung talagang nagsasabi ng totoo ang taong nangangako sa harap nila. At utang na loob, yung gimik na pagpapakain ng ibang tao sa kamay ng kandidato, napaka-baboy! Tigilan na sana ang ganyang klase ng mga press release. Kung sa akin ginawa ng isang kandidato yan malamang duraan ko pa ng plema ang kamay nyan e.

Kasikatan - Wala akong anumang masamang tinapay sa mga artista/reporter na tumatakbo sa posisyon sa gobyerno. Kung malinis ang hangarin, may kakayahang tumulong at mamuno ng matuwid, bakit hindi! Pero sana naman yung mga tumatakbong artista o kung sino mang sikat na tao, mag-laan naman ng panahon para pag-aralan ang mundong pinapasok nila. May pagsasaliksik man lang sana kung paano ang tamang pamamahala. Mag-aral man lang ng mga kurso na may kinalaman sa pamamahala ng gobyerno. Hindi lang yung dahil sikat, tatakbo na sa posisyon. Ngayon, bilang botante, responsibilidad nating saliksikin ang kakayanan nitong tao na kung sakali man ay mamumuno sa atin. i-isantabi muna natin ang katotohanang sikat ito. Dapat ay boboto tayo hindi lang dahil kilala siya, kungdi dahil kaya nya.

Patalastas: panoorin ang nakaraang interview ni Ara. *ihanda ang sariling mamilipit sa kahihiyan para kay Ara*


Pera - Ilang beses na akong nakatanggap ng pera sa tuwing panahon ng eleksyon. Tinatanggihan ko? Bakit? Pera yan e. Binigay sa akin, e di kukunin ko. Pero sinisiguro ko sayo, hinding hindi ko kukulayan ang bilog na nakalaan para sa pangalan mong leche ka! Sa halagang isang libo (yung iba nga isangdaan lang), maaari mong isinasakripisyo ang buhay mo sa mga susunod na taon. Kung magiging maayos ang magiging buhay mo sa pamumuno ng tamang pulitiko, malamang hindi lang yang halaga na yan ang katumbas ng ginhawang makukuha mo.

Nakikita sa Commercial/TV/Radio/Poster - Ang mga dakilang epal. Nakakasuka na ang mga maaagang kampanya na nakikita mo sa telebisyon o maririnig sa radyo. Pagpapakita ng kadukhaan ng buhay ng mga pulitiko, pilit na ipaparamdam sa mga botante na galing rin sila sa hirap. Na iisa sila ng pinagdaanan. Na kaisa sila ng mahihirap. HINDI! Para gumawa ng ganyang commercial, milyon milyon ang ginagastos. Milyong-milyong piso na sana ipinangtulong na lang nila sa mas nangangailangan (kung hangarin naman talaga nila yan). Naaalala ko na kamakailan ay nagpanukala si Ginoong Richard Gordon na ipagbawal ang mga political ads sa TV at radyo, bagkus ay mas palawigin ang pagsasagawa ng mga pampublikong debate ng mga kandidato. Dahil nga sa milyong-milyong piso na ginagastos sa ads, kinakailangan pa tuloy ng kandidato na mang-gatas ng sponsor para dito. Ika nga ni Ginoong Gordon:
“Di pa nananalo meron na silang utang na loob at kapag nanalo, dahil sa ganitong kalakaran, ang mga nagsipag bigay ay babawi. Ang kandidato, kapag nanalo na ay magiging sunud sunuran sa kanilang mga gustong mangyari,”
Sa ganitong paraan mas makikita natin ang mga totoong intensyon at layunin ng mga tumatakbong kandidato. Ngayon kung ang kandidato ay naduduwag at walang balak sumabak sa debate, alam na natin kung anong klaseng pulitiko yan. Yung tipo ng kandidatong hindi karapat-dapat sa posisyon. At kung iisipin natin, hindi pa panahon ng itinakdang pangangampanya pero ang dami nang mga ads sa TV at radyo. Yung ganiyang uri ng politiko ay mga taong di marunong sumunod sa batas na dapat nilang sinusunod sa umpisa pa lang. Maaari nilang sabihin na hindi labag sa batas ang ginagawa nila, ngunit isa lamang yong indikasyon na kaya nilang baluktutin ang batas para umayon ito sa kanilang pabor.

Pagkakataon - Ito ang nangyari sa atin sa nakaraang administrasyon. At maaari pang mangyari sa hinaharap. Sa aminin man natin o sa hindi, malaking dahilan ng pagka-panalo ni Noynoy Aquino ay ang pagkamatay ng kanyang ina na si Cory. Hindi sa sinasabi kong hindi karapat-dapat at walang ginawa si Aquino pero sa aking opinyon ay hindi ito naging sapat. Hindi sapat, para sa akin, ang "tuwid na daan", dapat lahat ay pinag-iisipan at pinag-aaralan. Hindi lang dapat matuwid na gobyerno, dapat ay gobyernong gumagawa ng mga tamang aksyon. Hindi lang dapat malinis na bakuran, dapat may ginagawa rin para pagandahin pa ito. Maraming iprinisinta ang media tungkol sa background ng mga kandidato noong nakaraang eleksyon. Pinag-aralan, nagawang batas, history ng pamumuno ng mga kumandidato. Kumbaga sa isang pagsusulit, open notes na, salamat sa pagsasaliksik ng mga nasa media. Pero mas pinili ng sambayanan yung may yumaong ina, kahit sa totoo lang, kumpara sa kaniyang mga kalaban ay "bagito" pa. At isa pang factor na nakapagpanalo sa kanya ay ang susunod na paksa.

Pangalan - Sa napaka-habang panahon, isang napaka-laking tinitignan ng mga tao (sa kasamaang palad) ang apilyedo ng kandidato. "Iboboto ko ito dahil ang tatay nya ay ganito". "Iboboto ko ito dahil ang pinsan nya ay ganoon". Dapat ay alisin natin ang ganitong uri ng pag-iisip. Halimbawa: mag-bukas ka ng Facebook, napakaraming gustong isulong ang pagtakbo ni BongBong Marcos. Tanungin mo kung bakit, kasi anak sya ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Hindi ako tutol sa pagtakbo ni Bongbong, pero kung sakali man, iboboto ko siya, ito ay dahil sa sarili nyang kakayanan, at hindi dahil anak sya ni Ferdinand Marcos... Hindi rin naman patas na isipin kong gagawin din ni Bongbong ang ginawa ng tatay nya noon (Martial Law) kaya hindi sya karapat-dapat iboto diba? Sa totoo lang natatakot akong kung tatakbo si Kris Aquino...

Utang na loob - Kilala ang mga Pilipino sa pag-tanaw ng utang na loob. Pero sa kaso ng pulitika sa bansa, isa itong pinakamalaking kasangkapan ng isang pulitiko. Wala tayong utang na loob sa kahit na sinong naluklok sa pwesto. Dapat alam ng mamamayan na ang ginagawang "pagtulong" ng isang pulitiko ay hindi palaging galing sa kanyang bulsa. Kaya nga may buwis tayo para dyan e. Diyan dapat kinukuha ang pangtulong sa tao, panggastos sa kailangan ng bayan, at kung ano ano pa na para sa ikabubuti ng sambayanan. Kaya kung yung politiko sa inyong lugar ay patuloy na ipinangangalandakan ang kanyang mga "nagawa" para sa bayan nyo, malamang isang malaking kalokohan yan. Hindi dapat solong inaangkin ninoman ang pagunlad ng isang bayan. Yan ay pinagsama-samang pagpupursigi ng maraming tao at ng mga mamamayan. Kaya hindi tama ang sinasabing "pinayaman ko ang isang syudad". Ang totoo naman, kahit wala sya ay nakatakdang yumaman naman ang naturang syudad dahil ito ang sentro ng komersyo bago pa man maupo ang mga Binay dyan. pulitikong umaangkin ng estado na yan.

Marami pang dahilan kung bakit pinipili ng botante ang isang kandidato, pero ang nais ko lang ipahiwatig na sana ay maging matalino tayo sa pag-pili ng isusulat natin sa ating mga balota. Nasa panahon tayo na kung saan hindi sapat ang "okey na yan". Dapat ang piliin natin ay yung kaya ang TUNAY NA PAMUMUNO. Hindi tayo dapat magpadala lamang sa simpleng bulaklak lang ng bibig at kailangan lang talagang buksan ang mga mata, maging alerto, makinig sa lahat ng nasa paligid, maging lalong mapag-matyag, at higit sa lahat, isa-isip lagi ang bansa. Ika nga ng linya sa pelikulang "Heneral Luna", isang linyang magandang pagnilay-nilayan, isapuso, at isa-isip sa araw ng pagpili mo ng isusulat mo sa balota mo: "Bayan o Sarili? Pumili ka..."