Dahil sa bagong pangyayari sa buhay ko, napag-pasyahan ko na magpahinga muna dahil malamang kung hindi ko ito gagawin, baka sumuka na ko ng dugo. Napagisipan kong manuod na lang muna ng pelikulang Oceans's Thirteen. Panatiko ako ng mga ganitong uri ng pelikula kaya nung malaman kong palabas na ito sa sine ay agad akong nanood. Kumpara sa mga nagdaang Ocean's, gaya ng mga ibang pelikula na may sequel, pinaka-maganda pa rin ang una. Marahil ay dahil sa bandang kalagitnaan na ng storya ako nagsimulang manood kaya hindi ko masyadong na-appreciate ng maayos ang palabas. Upang maintindihan ko ang palabas, inulit ko ulit ito sa umpisa.

Last full show na pala ang kasunod na lumabas at natural lang na magkaroon ng Pambansang Awit. Hmmm. Parang pamilyar ang nasa big screen... Mga artista ng ABS-CBN, anak ng tipaklong, television invades the big screen!

Trailers, isa sa mga inaabangan ko kapag nanunuod ng sine. Dito ko kasi nalalaman kung ano ang kaabang-abang na pelikula. Ipinalabas ang trailer ng ubod ng corny at nakakatawang suspense drama flick na may salitang hapon. "Sinking of Japan" ang pamagat. Hindi ko alam kung sinong nagmamarunong na producer ang nagsugal ng mukhang malaki-laking pera upang mag-materialize ang pelikulang ito pero isa lang ang masasabi ko rito, Good luck na lang sa'yo pare ko!

Kapag ako lang mag-isa ang nanunuod ng sine, hangga't maaari, ayoko ng may katabi. Ngunit minsan, kung maganda ang palabas, maraming nais manuod at di maiiwasang may makakatabi ka. Nang makahanap ako ng puwesto, isang grupo (tatlo sila) ang tumabi sa akin, nakita ko na sila nung paparating pa lang. Nagkatinginan kami ng isang babae na kasama nila at nakitang may tatlong bakanteng upuan sa tabi ko kaya naisip na lang nila siguro na umupo na lang sa tabi ko. Sige, let's give them a chance sabi ko sa sarili ko. Harry Potter and the Order of Phoenix ang sumunod na trailer. Biglang nagsalita ang isang lalaki sa gitna nila at nagkuwento na matagal na raw niyang hinihintay ang pelikulang yon at nagkuwento ng kung anung mangyayari sa palabas na yon. Agad naman itong sinabayan ng kuwento ng dalawa pang kasama nya at nuon din ay nagkaroon ng mumunting Quiz Bee ng Harry Potter sa sinehan. Putang ina! Nagpanting ang tenga ko at sinabihan ang babae na katabi ko (yung nakatinginan ko kanina) na: "Miss, pwede pakisabi sa mga kasama mo na wala kayo sa bahay. Maingay kasi e. Sayang yung 130 pesos na binayad ko sa sinehan kung puro boses nyo ang maririnig ko." Sa puntong yon nagyaya ang kinausap ko na lumipat ng pwesto. Maya-maya'y tumayo sila at isinigaw ko, "Thanks!"

Nakaka 20 minutos na ko sa panonood nang may pumwesto sa helera ko, isang upuan ang pagitan sakin, na magsyota o mag-asawa o mag-kalaguyo o kung anu man. Makaraan siguro ang limang minuto ng pagkakaupo nila, maya-maya'y nagsimula na sila sa milagro nila. Halikan dito, Halikan doon. Dinig na dinig ko ang bawat "tsup" na pinakakawalan nila sa isa't-isa. Hindi ko na natiis at sinabi kong, "Sir, pwede??" sabay turo sa ipinalalabas sa malaking telon sa harap namin. Agad naman silang nagpaubaya at nanahimik sa panonood, marahil napahiya ang dalawa. Nagtuloy na ko sa panonood kahit buwisit-na buwisit na ko sa mga nangyari. Maya-maya'y may humihilik na sa paligid ko! Sinaniban ako ng masamang espiritu at nasabi ko na lang "Man, you've gotta be kidding me!" (yes, foreigner ang masama kong espiritu. nagi-inglish ng dire-diretso yan kapag nagagalit!) sabay tingin ng masama sa dalawang mag-syota sa tabi ko, nanunuod ng mataimtim ang lalaki at saka ko napagtanto na ang babae pala yung naghihilik. Umepekto naman ang binitawan kong salita at agad-agad silang lumipat ng upuan, sabay sabi ng "thanks!"

Lalong hindi ko ma-appreciate ang pelikula. Bwisit. Gusto kong bawiin ang binayad ko. Dapat 30 pesos lang! Asar! Mamamatay rin ang mga yon!