Kamakailan lang ay umuwi ako sa aming bahay sa Cavite. Hindi pa man nakakalapag ang aking dalang duffel bag ay binungad na agad sa akin ng nanay ko, “ninong ka daw ng anak ng apo ni xxx” hindi agad nagrehistro sa utak ko ang sinasabi ng aking ina. Pero nang aking mapagtanto, hindi ko ata kakilala ang magulang ng batang magiging inaanak ko. Agad kong tinanong ang nanay ko kung bakit sa dinami-dami ng nilalang sa aming baryo, ako pa ang napili ng mag-asawa na maging ninong ng anak nila. Ang sinagot sa akin ng nanay ko, “yung lolo ang namili ng magiging ninong ng bata, puro engineer daw tsaka architect ang kinuha, pati nga yung anak ng kapitbahay natin na architect ay kinuha rin na ninong…kahit hindi rin niya kilala...”
Ahh, ok. So may standard na pala ngayon ang pagpili ng magiging godparents ng isang walang muwang na bata. Di bale nang hindi kakilala basta may titulo ang mga ninong. Palagay ata ng pamilya nito ay may mga hacienda akong itinatago at mga establishimyento na hindi ko pa naide-deklara. Minsan naiisip kong parang mayor ng aming bayan ang dating ko. Diba malimit naman ng mga pulitiko ganon? Kahit hindi man lubusang kilala basta ang importante, ang ninong ng bata ay si mayor.
Naalala ko tuloy ang isinagot sa akin ng isang kaklase ko nung kolehiyo sa isang pangkaraniwang tanong na malimit naming tanungin sa aming mga sarili nung kami ay naga-aral pa…
Ako: “Bakit ka kumuha ng kursong engineering?”
Siya: “Para pag kumandidato ako sa pulitika, mas maganda pakinggan, mas may hatak sa tao, mas may dating. Isipin mo makikita mo ang mukha ko sa bawat sulok ng baranggay namin tapos ang nakalagay “Engr. XXX for kagawad…always at your service”
Ako: (follow-up question) “Bakit hindi ka na lang nag-abugado para naman mas ok at mas malapit sa gusto mong maging career?”
Siya: “Ayoko nun! May nakita kasi ako sa likod ng Manila City Hall na signage: “Atty. XXX – Notary Public” tapos sa ibaba nun may nakalagay “tumatanggap ng labada.”
Sa katotohanan naman, lumang prinsipyo pa rin naman ang aking pinapairal pag dating sa pagiging ninong. Ang pagiging pangalawang magulang pa rin ang prinsipyong mas nananaig sa akin pag dating sa konspetong ‘to. Kaya madalas ay walang regalong natatanggap mula sa akin ang aking mga inaanak dahil gaya ng mga magulang na kakilala ko, hindi sa material nabagay ipinapakita ang pagmamahal sa bata kundi sa gabay at pag-aaruga na ibinibigay sa kanila. Hindi ako naniniwala na pera at mga laruan ang dapat ibigay sa mga inaanak tuwing pasko. Sa tingin ko ay sapat na ang pagmamahal. Kaya sa mga inaanak ko at sa mga magulang nila na makakabasa nito, at pati na rin sa bagong sanggol na dumagdag sa listahan ng aking mga inaanak, asahan niyo na ang PAGMAMAHAL ko ngayong pasko para sa inyo AT WALA NANG IBA PA!!!
Post a Comment