Wala akong ipopost at isusulat na mga pangyayari tungkol sa panonood ko ng konsyerto ng Eraserheads. Kung ano man ang pakiramdam, pangyayari, emosyon at kamalayan na nangyari sa akin ng gabing yon ay hindi basta basta maipapaliwanag ng normal kaya’t minabuti ko na lamang na ipagpasarili na lang iyon. Kung gusto mo ng kuwento, magpakuwento ka sa iba. Hindi ako isang manunulat sa diyaryo o magazine na binabayaran upang magkuwento sa pamamagitan ng pagsusulat. Isa lang ang masasabi ko… Basura si Tim Yap!
Dalawang linggo. Malamang isa na ito sa pinakamahabang panahon na wala akong alak sa katawan. Nararamdaman ko ang unti-unting panghihina ng aking kamalayan dahil sa kawalan ng konsumo ng alcohol na nalalaklak. Akala ko ay magpapatuloy ito sa mahabang panahon ngunit hindi ito naganap dahil isang nilalang ang nagyaya sa akin sa isang lugar na hindi ko rin inasahan na biglaan kong babalikan. Ang Intramuros, ang batang bata at mga sariwang mga kolehiyala ng Lyceum at Letran, ang mga naglalampungan sa Wall sa oras ng gabi, ang mga yosi boys at girls ng Muralla, ang mga guwardiya sibil, at higit sa lahat, ang Mapua.
Agad nanumbalik ang alaala ng mga panggabing klase. Kung saan kami ay naghihintayan sa may labas upang lumabas at magpakalango sa alak. Agad kong tinahak ang direksyon patungong cantunan upang bumili alalahanin ang pakiramdam ng “kumanton”. Gaya ng dati, masarap pa rin. Nalungkot lang ako nang malaman kong wala na ang pinupuntahan ko para sa isang disenteng “date.” Ang Mc Donalds. isang linggo pa lang daw ang nakakaraan matapos itong ipasara ika ni propesor. Siguro marahil ay sa pagkalugi dahil ginagawa lang tambayan at pa-aircon-an ng mga estudyante (kagaya ng ginagawa ko noon). Nakakalungkot dahil wala nang matatawag na “McDo Mapua.” May kung anong nagudyok sa akin na gumawa ng campaign o ng signature drive upang pabuksan muli ang naturang establishimento pero naisip ko rin ang masasamang alaala ko dun kaya minabuti kong itapon na ang ideya.
Dahil sa depresyon, nagpasya akong bumili ng yosi. Binalikan ko ang yosi ko noon na nahihithit ko lang kapag may galanteng kaklase na nagpapaulan ng yosi. Ang West Ice. Dahil sa “can afford” na ako ngayon, bumili ako ng isang kaha. Wala akong pakialam kahit malagas ang aking baga. Basta ang importante nabalikan ko ang feeling. May isa pa akong hinahanap na “vendor” ngunit wala na raw dun. Haay sayang. Kung kelan pa naman ako’y may pambili na.
Nakuntento kami sa Mags. Hindi ako nagbibilyar pero tumatambay din ako doon (bukod sa west building second floor). Tumambad sa akin ang napakaraming bote ng Red Horse. At nang dumaloy ang sagradong likido sa aking lalamunan… Langit! Wala pa ring tatalo sa Red Horse pag dating sa pagtanggal ng uhaw ko. Matapos ang dalawang linggong pagka-deprived sa alak, at Red Horse pa ang unang dadampi sa aking esophagus, huwaw. Virginity… again… sa una hindi kanais-nais, pero malampasan mo lamang ang una, rurok na ng kaligayahan ang susunod.
Bilang “lumang Mapuan”, hindi maiaalis sa akin ang obserbahan at kilatisin ang mga “bagong Mapuan.” Malayo na ang pagkakaiba ng mga bago sa aming mga luma. Nung panahon namin, ang pagiging Mapuan ay pangangahulugan lamang ng pagiging involved sa limitadong bagay. Ngayon, iba na. Kung ang konsepto ng “arts” noon ay para sa mga kursong nasa north building fourth floor lang, ngayon ay hindi na. Lahat ay involved na sa ganitong bisyo. Pero nakakatuwa na ang pundasyon pa rin ng pagigng mapuan ay katulad pa rin ng sa amin. Ang pag-diskarte upang pumasa at pag-inom.
Hindi ko mapigilan at hindi ko mapaniwalaan ang mata ko sa mga nakikita ko sa paligid ko nun. Ang batch namin, (pasintabi sa mga tatamaan) marami ang mga babaeng mukhang lalaki (ano pa ba ang aasahan mo sa engineering school). Pero ngayon, damn! Parang wala ako sa Mapua. Kinailangan ko ngang libutin ng tingin ang paligid dahil akala ko ay nasa Letran ako. Mas liberated na ang mga estudyanteng mga kababaihan ngayon. Dati nung panahon namin, hindi kami makalapit sa mga babae pwera na lang kung so-syotain mo ang mga ito. Ngayon, unang kilala pa lang may kiss na! O sige beso-beso lang pala. Pero pwede na! San ka makakakita ng mukhang maididikit mo ang mukha mo sa unang pagkikita niyo pa lang.
Habang sinusulat ko ang blog na ito, tumutugtog ang “Minsan” ng e-heads (aksidente na tumugtog sa radio). Kahit nasusuka na ako ay ayos lang. Tamang-tama sa tema ng aking isinusulat. Isa lang ang sigurado… Babalik ako!
Post a Comment