Akala ko Sunday na. Tuesday pa lang pala. Siguro dahil walag pasok ngayon at parang pakiramdam ko ay Sunday na kahit Tuesday pa lang. Hindi ko alam kung bakit parang bumabalik na naman ako sa dati kong problema. Tamang senti trip na naman. Kung tutuusin choice na ng tao kung magpapakalunod ba siya sa kalungkutan na nararamdaman nya sa kahit anung punto at oras. Ako, pinili ko ngayong magpakalunod. Baka sakali maisip ko ang solusyon para matapos na ‘tong kabaliwan na ‘to. Mahirap ata talaga ang walang ginagawa. Lahat ng ayaw mo nang isipin, nakapila lang sa utak mo at buong araw kang hindi titigilan hanggang sa mapagod ka at makatulog.



Sana lang sa tulog na lang natatapos ang lahat, pero hindi pa rin. Pati sa panaginip hindi ka titigilan. Magigising ka na lang ulit, ayan na naman sila. Magforward na lang kaya ako ng mga jokes sa text. Tang ina, yung pangalan mo nasa phonebook ko. Sesendan ba kita ng jokes? Hindi na lang siguro. Baka isipin mo naman papansin ako. Alam ko na hindi mo pa alam ang bago kong number. Ayokong sabihin sayo dahil alam ko na pag nagreply ka na ng “hus dis?” magtutuloy tuloy na naman ang diskusyon natin. Ikaw, iiwas ka na pahabain ang usapan sa pamamagitan ng paglalagay ng salitang “ingat” sa dulo. Kung busy ka o ayaw mo lang akong ka-text, hindi ko alam. Hindi naman ako tanga na hindi mahalata yung tactic mong yon. Ilang beses mo na nga ginawa sa kin yon e. Pero ok lang at least naka-text naman kita kahit papano. Nakakasama man ng loob, pero ok lang. Kung buburahin ko naman yung number mo sa phone ko, niloloko ko lang ang sarili ko, dahil saulado ko yung number mo. Pag may nagtatanong lang sakin sinasabi ko na lang na hindi ko alam dahil ayokong mag-isip sila ng kung ano tungkol sa akin. Ayoko na isipin nila na ang galing kong magkumpuni ng problema ng iba tapos sarili ko hindi kong buhay hindi ko maayos.



Lilinawin ko lang, ni minsan hindi kita sinisi sa kahit anong nangyayari sa buhay ko. Kasalanan ko lahat ‘to. Wala akong ginagawa dahil kahit hindi ko man aminin sa sarili ko, alam ko duwag ako. Wala pa akong lakas ng loob para sabihin sayo lahat. Bukod sa pareho tayong may ibang pinagkakaabalahan, pareho tayong may gustong patunayan sa sarili natin. Hindi ko alam sa’yo pero alam ko marami pa akong kulang sa buhay ko. Gusto ko bago kita harapin, kumpleto na kong haharap sayo.



Bakit ba? Bakit ba nasasaktan ang puso ko. ‘Di ko masabing may gusto ako sa’yo. Kung sana’y kaya kong gawin, di na ako maninimdim, Kay Tagal. Na para bang ako’y mababaliw… : Rachel Alejandro.



Ika-limang bote ng Red Horse at ika-isa’t kalahating kaha ng Marlboro Lights…: Ako.