Ikadalawamput-apat na taon ko sa mundo… Nakakatawang isipin na parang kaarawan ng isang artista ang nangyari sa akin sa taon na to…

Unang Celebration…

December 30, 2007-petsa ng taunang get-together ng mga tropang esmeri na taunan ding ginagawa sa aming bahay sa cavite. Hindi ko alam kung anung meron ang bahay namin at gustong-gusto nilang ginagawa ito sa bahay. Dahil na rin siguro naging at-home na rin sila sa bahay, o lahat ay pwedeng gawin sa bahay ng walang naninita, o talagang gusto lang nila akong gawing alipin dahil napipilitan (uulitin ko… napipilitan…) akong asikasuhin ang mga kumag dahil nga nasa bahay ko sila. Dahil nakikinita ko na na magiging sobrang abala na ako sa pagpasok ng taon. Napagpasyahan kong ito na ang maging selebrasyon ko na kasama ang mga kaibigan simula pa nung hayskul dahil maging sila rin ay mahirap hagilapin. Kahit na maraming hindi nagpunta (mga put…. nyo!) marami ring mga nakarating na hindi ko inakalang biglang susulpot. Wala pa ring pinagbago ang mga ungas! Makukulit pa rin. Nakakatawa lang dahil unang beses kaming uminom ng “Mamahalin at Imported na Red Wine” at sa kasamaang palad walang ibang nagkagusto sa lasa bukod sa akin… Mga probinsyano nga! Kaya’t balik kami sa tradisyonal na redhorse!

Ikalawang Celebration…

January 15, 2008-engrandeng Birthday Bash kasama ang mga taga Balfour. Ipinasara KO ang isang sikat na bar sa Ortigas upang i-celebrate ang Birthday KO kasama ang mga malalapit KONG mga kaibigan sa industriya. Dumating ang ilang mga sikat na kaibigan ko sa hanapbuhay at naroon silang lahat upang batiin ako sa aking espesyal na araw. Nang pinakanta na nila sakin ang pre-recorded na kantang “A Friend” nagulat na lang ako nang habang kumakanta ako ay may mga SORPRESANG mga bisita ang biglang sumabay sa akin sa pag-kanta. Nagulat ako at hindi na napigilang maluha sa tuwa. Matapos ang isa-isang pagbibigay ng mensahe ng mga surprise guests, biglang sinabi ng host na may gusto daw bumati sa akin ng live, via Phone Patch. Nagulat ako nang marinig ko ang boses ng mga kaibigan ko na ngayon ay nasa abroad na. Matapos non ay agad akong nagpasalamat sa aking mga Sponsors na walang sawang nagtitiwala sa akin. Timex para sa aking relo. Drs. Manny and Pie Calayan, maraming salamat sa inyo. Dr. Vivian Sarabia for my eyewear. Joy Lim ng Charms and Crystals. Joan Boner na palaging nandyan. Sa iba pang mga sponsors, ang Bench… Mr. Ben Chan! Salamat! Sketchers, Levi’s Jeans… Thank You! Kay Mam Charo, Mr. M., Sir Gabby Lopez, Direk Lauren,Direk Wenn, Direk Joyce… Salamat sa pagtitiwala. At syempre sa mga fans na walang sawang tumatangkilik… Ang Dynamic, Forever, Super, Flexible, Infamous fans club. Ang Solid, Liquid, at ang Gas fans club… salamat sa pagiging nandyan at sana huwag po kayong magsawa at maging palagi pa po kayong nandyan para sakin.

At para sa totoong nangyari...Dahil marami ang January Birthday Celebrants sa Balfour, at nagkataong mga kuripot lahat, napagusapan na isang celebration na lang ang gagawin para sa lahat. Puno ang Julianos na naging dahilan ng pagpapasara nito. Walang humpay na kulitan at siyempre lasingan ang nangyari. Ako na rin ang nag-dj nung gabing yon ngunit dahil mas marami ang nakakatanda na ayaw ng maingay, hindi na lang ako masyadong nagpatugtog. Hindi ko tuloy naipagmayabang ang aking bagong natutunan na mga dj moves… Pero sa totoo lang sobrang saya ng party. Lasing ako. Ngunit gaya ng dati, kinailangang tumakas ulit para sa sidetrip…

Ikatlong Celebration

January 16, 2008-kasama ang mga taga St.Luke’s. Simpleng painom ang ginawa ko sa bahay nila weng na malapit lang sa site. Salamat kay NRC at isang Black Label ang nagpainit sa mga kumag nung gabing yon. Isang surprise cake (seryoso…meron nito)ang lumabas na may nakalagay na “42” bilang kandila nito. Pasalamat sila at Goldilocks ang cake kaya hindi ko nagawang itapon sa yon sa basurahan. Black forest kasi ang flavor… Mamahalin. Sayang eh!

Ikaapat na Celebration

January 17, 2008-buong araw akong nasa bahay dahil sa kalasingan kinagabihan. Mag-isa lang akong nagninilay-nilay sa mga nangyari sa akin nung nagdaang taon. Pinagplanuhan na rin ang mga balak na gawin itong panibagong taon sa aking buhay. Bukod don, dahil sa Discovery Channel, natutunan ko na kung hindi malaki ang ari ng lalaki ay hindi siya makukuryente kung sakaling sa nakatapak siya sa isang bagay na pwedeng daluyan ng electric current at umihi sa isang bagay na pwede ring daluyan ng kuryente. Hmmm. Hinding-hindi ko gagawin yon dahil sigurado makukuryente ako.

Kinagabihan, nagkita-kita kami ng mga kasama ko nung kolehiyo. Bitbit ang bulto-bultong bagahe patungo ng Sagada! Salamat kay Erik at kahit na ikalawang beses ko nang pumunta sa lugar na ito ay ok lang dahil libre! Tatlong araw at dalawang gabi ng pagtakas mula sa pagod na dala ng trabaho. Kahit pagod ang siguradong mapapala naming lahat sa trip na ‘to ay ok lang. Nature trip naman. Matuturing na pahinga pa rin ‘to.

----------------------------

Daig ko pa ang isang sikat sa dami ng araw na ipinagdiwang ko ang existence ko sa mundo. Isa lang ang ibig sabihin nito, maraming nagmamahal kahit papano na hindi kayang ipunin lahat ang pagdiriwang sa isang araw lang. Dahil don nagpapasalamat ako sa lahat! Sana’y makasama ko pa rin kayo sa susunod na mga taon. May ikalima pa, kasama ang pamilya. At ikaanim kasama si … Doon sa ikaanim, isa lang ang attire…. Birthday Dress…