Late na naman ako. Sa totoo lang naman kahit pang-umaga ako, basta sa kahit anong bagay, late pa rin ako. Katwiran ko, at least consistent ako. Alas syete na ng gabing mapilitan akong sumakay ng byaheng Fairview na kasalukuyan noong tayuan at talagang punong puno pati ang “hallway” ng bus ng mga nakatayong pasahero.

Kasabay kong sumakay sa may Kamuning ang isang babae na sa tingin ko ay nasa kaagahan ng ikalawang dekada nya sa mundo. Pareho kaming napilitang tumayo sa daanan dahil sa tingin ko ay late na rin sya sa kung saan man sya papunta. Matapos lang ang ilang metro simula sa aming sinakyan, tumayo ang isang babae na nakaupo sa aming harapan. Natural lamang na ibigay na sa babaeng nakasabay ko ang espasyo sa upuan dahil babae naman siya at nagkataon na puro lalaki kaming nakasaby niyang nakatayo.

Nagulat ang lahat nang biglang hawakan ng lalaking nakaupo ang dalawang kamay ng babaeng nakatayo upang alalayan ito sa pag-upo. DALAWANG KAMAY. Nang makaupo ang babae. Agad itong nag-blush at nakatingin siya ng may bilugang mata (yung katulad ni puss in boots sa Shrek) sa lalaking tumulong sa kanya upang umupo. Ang lalaki naman ay nakatingin sa malayo. Nagpatuloy ang biyahe. Halos lahat kaming mga nakatayo ay nakatingin lang sa dalawa. Naghihintay ng isang pangyayari. Maya-maya pa’y binuksan ng babae ang kanyang bag. Nakita ko na may isang supot siya ng Munchkins ng Dunkin Donuts at isang malaking Brownies (pag isa lang ba brownies o brownie lang?) Napansin ko rin na may button pin sa bag ng babae na may nakalagay na “I Love You.” Hinihintay kong lumabas ang mga katagang yon sa kanyang bibig. Ngunit hindi. Namili siya sa dalawa, kung brownies ba o munchkins. “Brownies” nakita ko sa buka ng kanyang bibig. Inalok nya yun sa lalaki, “sa’yo na lang.”Hindi ko alam kung talagang hindi siya pinansin nung lalaki o talagang hindi lang siya narinig nito. Nang mapagtanto ng babae na walang sagot na makukuha sa lalaki, binuksan niya ang brownies at buong saya nya itong kumain habang nakatingin sa lalaki. Ang lalaki naman ay patuloy pa rin sa pagtingin niya sa malayo. Akala ko sa mga jologs na pelikula lang ito nangyayari, pati pala sa totoong buhay mayroon nito.

Nang makarating kami sa may tapat ng isang malaking hospital, may sumakay na dalawang babae, isang babae na nasa kahulihan siguro ng kanyang dekada trenta at kasama niya ang isang lola. Dahil nga wala pa ring upuan, tumayo na ang lalaki sa ating storya at pinaupo ang matanda. Napatingin ang babae sa kanya at waring nangungusap ang mga mata nito na huwag siyang iwan. Biglang naiba ang mukha ng babae. Dahil sa patuloy pa rin ang pagsakay ng pasaway na konduktor kahit wala nang paglagyanang mga pasahero, napausod ng napausod ang lalaki papunta sa likod. Panay pa rin ang tingin ng babae sa bandang likod, hinahanap ang lalaking pinag-ukulan niya ng pansin kanina lamang. Nararamdaman ng lahat na gusto niya itong lapitan upang tanungin man lang kahit ang pangalan nito. Ngunit nang dumating na sa sakayan ng jeep na “UP Ikot” kinailangan ko nang bumaba. Sayang at di ko makikita ang ending ng istorya.

Nang ako ay bumaba na, kasunod ko pala ang babae. Tinignan ko lang siya habang pinapanood niya ang papaalis na bus. Malungkot ang kanyang mga mata. Marahil ay nanghihinayang siya sa pagkakataong pinalagpas niya. Sayang…

Dumating ang jeep na “UP Ikot” pareho kaming sumakay. Halos katapat ko lang siya kaya hindi ko mapigilang titigan lang siya. Buong biyahe ay nakabukas lang at nakapatog sa binti niya aklat na bitbit nya simula kanina. Hinihintay kong magbasa siya ngunit talagang nakatulala lang siya buong biyahe. Siguro marahil ay madilim na ang paligid o dahil iniisip niya pa rin ang lahat ng nangyari kanina at ang lalaking tumulong sa kanya na maaring mahal na nya. Nasa college of engineering na ang jeep, kailangan ko nang bumaba. Ang babae, nakatingin pa rin sa malayo…

Ngayon naniniwala na ako sa kalokohang “love at first sight…”