Sa lahat ng sinabihan ko na nagja-jogging ako sa U.P…. Ok I lied! Hahahha.

Pero salamat na rin sa pagkaka-gising ko kanina, at sa pag-ayaw sa akin ng antok, napilitan na rin akong subukan ang pagja-jogging sa U.P. Sa maniwala kayo at sa hindi, inilaan ko ang dalawang oras sa aking araw upang magawa ang naturang aktibidad. Mula pinto ng kasalukuyan kong tinitirahan hanggang pagbalik sa bahay ay lakad/takbo lang ang ginawa ko.

Nang ako ay makarating sa may film center, sinimulan ko na ang karimlan. Natatandaan ko na sinabi sa isang babasahin na sa pagsisimula ng pagja-jogging, maaring makaramdam ng madaling pagka-pagod. Kapag naranasan ito, maaring mag-lakad muna upang makapag-pahinga ng konti. Ngunit sa pagkakataon na ‘to, sa isang daang porsyento ng aktibidad na ito, 90% nito ay pag-lakad at 10% nito ay pag-takbo.

Dahil sa kasalukuyan namang may musikang nakapasak sa aking tenga, minabuti kong gawin itong palatandaan kung kalian ako tatakbo at kung kailan ako maglalakad. Isang buong kanta ng pag-takbo, matapos nito, isang buong kanta muli sa paglalakad. Magpapaulit-ulit ito hanggang sa makonsumo ko ang oras na aking itinakda. Kung itatanong mo sa akin kung natupad ko ang schedule na ito, malamang alam mo na ang sagot sa tanong na yan.

Para sa totoong nangyari, tatlong kanta para sa paglalakad, at isang kanta para sa pag-takbo. At sa isang kantang nakalaan sa pagtakbo, tuwing chorus lang ako nakakatakbo. Minsan hindi pa natatapos. Kung sa building naman ang pag-uusapan, isipin mo ang Melchor Hall, yang haba ng building na yan, yan lang ang nabuo kong takbuhin. May mga ilang pagkakataon na bigla na lang akong tumatakbo kagaya halimbawa ay kung may mga makakasalubong akong mga tumatakbo o mga estudyante na kahit malayo pa lang ay nasisipat ko na na may itsura. Siyempre kailangan magpa-sikat ni pare kahit papaano.

Natural lang na ma-uhaw ako dahil sa Jalking (isang letter lang para sa Jogging at lahat ng iba pa ay nakalaan sa Walking) kaya napadaan ako sa isang tindahan sa may tapat ng Bulwagang Rizal. Pinapili ako ng tindero mula sa maraming inumin na nakalagay sa kanyang lalagyan. Nakita ko ang isang produkto. Pocari Sweat. Dahil ni minsan ay hindi ko pa nasusubukan ang produkto na ito, bumili ako ng isa. Nang tanungin ko kung magkano, ang dinig ko ay “Fourteen” kaya inabot ko ang tatlong limang-pisong barya sabay bukas ng bote at isang mahabang lagok. Binigyan ako ng tindero ng isang masamang tingin at dahil dito ay inalis ko ang nakalagay sa aking tenga. “Sir, Forty po.” Nagulat ako dahil ganon pala ang presyo ng pesteng inumin na ‘yon na inakala ko nung una ay parang tubig lang. Dahil nga nabuksan ko na, wala na kong ibang nagawa kundi bayaran ang naturang inumin. Nang tignan ko ang nakasulat sa bote, may mga kemikal ito na natatagpuan din sa Muriatic Acid. At ang lasa? Gusto ko sanang inumin pagkatapos ay ibuga sa mukha ng tindero (gaya ng mga nakikita natin sa mga pelikulang pinoy na comedy). Sa totoo lang hindi ito nalalayo sa lasa ng aking sariling pawis. Dahil nga ayaw ko naman itapon na lang basta basta ang kwarenta pesos na aking nasayang, pinilit ko na lang unti-untiin ang pag-ubos sa naturang inumin. Nang mapunta na ko sa huling lagok, akin namang nakita ang isang lalaki na nagpipiga ng kanyang t-shirt na noon ay punong-puno ng pawis. Naalala ko ang lasa ng aking ininom at agad akong nasuka. Isinusumpa ko na, na simula sa araw na ‘to hindi na uli ako bibili ng produktong yon! Ngayon alam ko na kung bakit ganun ang pangalan ng inumin na yon! Leche!