Ito ang uri ng pangunguna na hindi ko inasam ngayon. Kamakailan lang ay nag-utos si pangulong OML na kunin lahat ng timbang ng kaniyang mga empleyado sa kanyang mga subsidiary companies. At kasama ang aming kompanya sa naturang kalokohan. Matapos makuhanan ay itinala at binigyan ng ranking ang mga may pinaka-matataas na Body-Mass Index (BMI) sa kumpanya. At ang aking ranking? Sigurado ako alam mo na. Oo. Ako ngayon ang pinaka malaki sa aming kompanya.

Eighty days… walumpung araw ang binibigay sa amin (top 10 ng company) upang makapag-bawas ng timbang at maibaba sa tamang level ang aming BMI. Ibig sabihin nito, sa loob ng eighty days, kailangan naming magbawas ng timbang. Team effort ito pero ang failure ng isa ay failure ng lahat. Automatic disqualified ang buong team pag may isang member ang nadagdagan ang timbang. Siguro ay naiisip niyo na ang pressure. Kayo iniisip niyo lang, ako nararamdaman ko…

Nang ikuwento ko ito sa aking mga kaibigan at kapamilya, madaming natuwa. At siyempre marami ring tumawa. Sa bagay ay sanay na rin akong maging clown. Lahat naman sila ay nagpakita ng suporta. Lalo na ang mga kapamilya ko sa aking kompanyang pinapasukan. Nang ikuwento ko ito sa aking kaibigang DJ sa radyo, humagalpak lang sila ng tawa ng ka-partner niya kasunod ang pag-good luck sa akin sa nationwide radio. Isipin ko na lang raw na kasali ako sa Beijing Olympics at ito ang sport ko. Ang nanay ko naman at mga kapatid, naglahad ng sandamakmak na diet tips, pakiramdam ko tuloy ay nasa set ako ng “Salamat Dok” ni Sheryl Cosim.

Hindi na rin masama ang programa, may diet program, sporting activities gaya ng swimming, boxing, tae bo, gym, fitness activities gaya ng walking at mountain climbing at iba pang pwedeng makapag-papayat samin. Ang catch? LIBRE! Memberships, Equipment rentals, pati attire namin mula sa shirt hanggang sa rubber shoes (daw) sagot ng company. San ka pa? Brief na lang ang kulang.

Anong premyo? Sa totoo lang wala pang nakakaalam sa ngayon. Pero ang sabi daw ng isa sa mga pasimuno ng programa, “Eh ano naman kung dalhin natin ang buong winning group sa Hong Kong.” Bukod don, ang top 3 groups ay magkakaroon ng TV appearance sa isang programa sa aming sister company. Kung anong programa, wala pa ring nakaka-alam. Malay natin, baka sa paborito kong “Singing Bee” o kaya sa “SOCO (Scene of the Crime Operatives)” o di rin kaya sa “XXX: Exklusibong, Explosibong, Exposé” pero sa tingin ko, kung sa “Correspondents” naman kami lalabas, malamang ang title ng episode namin ay: “Malnourished.”

Malamang eto na ang simula ng aking pagiging artista, sa totoo lang naman it runs in the family eh. Kamakailan lang ay nag guest appearance ang nanay ko sa Wowowee bilang isang contestant sa promo ng Coke. Minabuti niyang magpanggap na contestant upang di siya masyadong pagkaguluhan ng tao. Dahil dito, hindi malayo na ako naman ang sumunod. Pero kung papipiliin ako, mas gusto ko sa “Sports Unlimited.” Nakatakda kong palitan bilang host si Marc Nelson. Siguro sa eighty days na yon ay may higit na maganda na akong pangangatawan kaysa kay Marc. Kung hindi man ganito ang mangyari ay baka maging “double” na lang ako ni Piolo Pascual o kaya ni Sam Milby kung kinakailangan kuhanan ang kanilang katawan. Hmmm… Hindi na rin masama…

Pero may narinig rin akong isang papremyo na mukhang mas ikakasaya ko. Ang mananalong team daw ay magkakaroon ng eighty-day, free eat-all-you-can sa kahit anong restaurant na gusto mo.

Inspiring di ba?